The 9th Soul

Pansamantala

Posted in life, Special posts by Fated Blue on September 13, 2014

“May iba pa ba?”

Tinanong nya ‘ko habang nagsusuot ako ng pantalong pilit nyang pinatanggal sa’kin kanina lang. Kasalukuyan syang nakaupo sa kama nya, kumot lang ang saplot. Nauwi kami sa condo nya sa Makati. Di ko pa mahanap yung polo kong nabuhusan ng alak gawa ng inuman namin ngayong gabi.

“Oo, pero ikaw ang una. Bakit?”

Tila nagpakita ng bahid ng kalungkutan ang mukha nyang sanay sa ngiti. Marahil ito ay dulot ng pagkadismaya sa pagkadiretso ng sagot ko sa kanya.

“Ah, ganun ba,” sabi nya “Pero lahat ba sila tulad ko?”

“Panung tulad mo?” Napatigil ako sa pagbibihis ko. Naupo ako sa tabi nya, sabay haplos sa hubad nyang mga balikat. Ramdam ko ang tensyon at ang pinanggagalingan ng mga tanong nya pero di ko alam kung dapat nga ba akong sumagot.

Dahan-dahan syang tumingin sa mga mata ko habang hawak ang kamay ko sa balikat nya. “Mga tulad ko na may boyfriend na o kaya malapit na ikasal. Yung ibang babae rin ba, ganun din?”

Napatitig lang ako ng matagal. Madali kong hinugot ang kamay ko mula sa kamay nya, tumayo, at hinanap ko uli ang nawawalang polo.

“Uy, anu ba?,” Di nya natiis ang blankong sagot ko “Lahat ba kami, pare-parehong may commitment? Yun ba ang criteria mo sa isang babae? Ba’t di ka makasagot?

Hinarap ko na sya nung sandaling yun “Di naman sa ganun.” Yun ang sinabi ko pero di ko alam kung panu ko susuportahan ang binitawan kong mga salita.

Sa totoo lang, nagkataon lang siguro na lahat sila kundi may boyfriend, ay malapit nang ikasal. Kasalanan ko ba na napansin ko ang kaba sa kanilang mga salita at pagaalinlangan sa kanilang mga mata? Gusto ko lang naman na pakinggan ang mga bagay, lalo na mga takot, na di nila masabi sa iba. Gusto ko lang namang pasayahin sila.

Nagkataon lang na madalas nauuwi sa ganito ang mga araw at gabing sinasamahan ko sila para kumawala sa realidad; sa realidad na malapit na silang maging asawa ng iba; na committed na sila at dapat nang magtanda ng totoo; na di na sila dadapuin ng kasabikan sa paggawa ng isang bagay na bawal; na di na nila muli mararamdaman ang mga bagay na pinaparamdam ko sa kanila tuwing magkasama kami.

“Nagkataon lang naman. Di ka ba masaya?” Sinagot ko uli sa kanya.

“Masaya ako kaso, hanggang kailan tayo ganito? Hanggang ikasal ako? Pagkatapos nun, wala na? Parang di nalang tayo nagkakilala? Sa totoo lang, di ko alam kung makukuntento ako sa buhay may asawa…”

Tumabi uli ako sa kanya at hinawakan ang kanyang kamay. “Wag ka magisip ng ganyan. Syempre di mo alam kung makukuntento ka nga pero wag ka rin matakot. Di ba nga, kaya tayo nagsasama ng ganito parang malubos mo na ang buhay ng isang single? Yun lang tayo. Pag kinasal ka na, syempre di na tayo pwede magsama ng ganito.”

Humarap sya sa’kin, hinigpitan nya ang paghawak sa kamay ko na parang batang ayaw bitawan ang paborito nitong laruan. Tinitigan nya ‘ko ng matagal. May bahid na pala ng luha ang mga mata nya. Nakikita ko ang pagyanig nya sa kanyang labi at ang di maitagong pagpigil sa kanyang munting mga hikbi.

“Bakit?” Nabanggit nya ang salitang ito halos kasabay ng di mapigil na pag-agos ng kanyang mga luha.

“Panung bakit?”

“Bakit di nalang ikaw? Bakit kasi ngayon lang kita nakilala?”

Di ko alam kung anu ang sasabihin ko sa kanya. Sa totoo lang, alam ko na baka mangyari ang bagay na ‘to. Di ko lang inakalang wala rin akong nakahandang solusyon upang malutas ang problemang tulad nito.

“Kasi sa ilang araw na nagsama tayo, sa ilang beses na hinalikan mo ‘ko, at sa ilang gabing inangkin mo ang katawan ko…”

Di na nya napigilan ang pag iyak. Binitiwan na nya ang kumot na tangi nyang suot upang yakapin ako na parang ayaw na nya ‘kong pakawalan pa.

“Alam mo ba? Tinanong ko ng ilang beses ang sarili ko at ngayon mismo alam ko na ang sagot. Minahal na kita. Di ko alam kung anung gagawin ko sa nararamdaman ko sa boyfriend ko pero alam ko mahal kita.” Sinabi nya sa’kin habang hinigpitan pa nya ang kanyang yakap.

“Di ako aalis. Wag kang magaalala. Dito lang ako.” At niyakap ko sya ng pabalik.

May tinagal din ang ganito naming eksena hanggang sa kumalma na sya at naisip na ihatid nalang ako sa labas ng condo nya pagkatapos namin magbihis dalawa. Hinalikan nya ko sa labi upang ipadama sa’kin na mahal nya na ako at handa syang iwan ang lahat, ang buhay na maranya at ang magandang kinabukasan nya sa magiging asawa nya, para makasama ang tulad kong naguumpisa pa lang abutin ang mga pangarap.

Naisip ko habang nasa elevator ako pababa: Mas maganda na ganito nalang namin tapusin habang masaya pa kami. Mas mainam na rin kung kusa nalang akong iiwas sa kanya dahil sa ngayon konting patawa, halik, at katawan ko pa lang ang kaya kong ihandog sa kanya. Di hamak na mas magiging masaya sya sa magiging buhay nya pag kinasal na sya kaysa kung hintayin pa nya akong magtanda. Marahil naguguluhan pa lang sya ngayon pero alam ko lilinaw din ang mundo nya. Di naman laging nauuwi sa ganito ang mga sinasamahan kong babae pero may mangilan-ilan lang talaga na gusto ng mas marami sa kaunting ligaya.

Paglabas ko sa elevator napansin ko na halos umaga na pala. Eto na ang pinakamatagal kong araw na sinamahan ko ang isang babaeng nangangailangan ng konting kalayaan sa tunay na buhay. Sa oras na lumabas ako ng building na yun, naisip ko na eto na siguro ang huling pagkakataong makikita ko sya.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: